NASAAN NA ANG RCCI?


Ang Rizal Cement Company Inc., na nakaupo sa 408,057 sq. m. lot sa Calumpang, ay dating malaking pabrika ng simento na nuon ay pinag-kukunan ng hanapbuhay ng itinatayang 500 pamilyang taga Binangonan. Hindi lamang mga manggagawa kundi pati mga driber at pahinante ng

trak na nagdadala ng simento sa maraming pamilihan sa Luzon. Dag-dag pa rito ang mga taong taga-repack o nagbuburiki ng simento.

Kilala ang RCCI dahil sa cableway buckets (bagoneta) na nagha-hatid ng batong puti (limestone) mula sa bulubundukin (Quarry) ng San Guillermo patungo sa pabrika sa Calumpang. Mahaba ang cableway,

bumabagtas ng pitong kilometro, dumadaan sa apat na barangay sa Binangonan.

Ang mga buckets naman ay tila sasakyang nakalutang sa ere, gumu-gulong sa kable. Kahalintulad ito ng cable cars sa Japan at Switzerland. Kung ito sana ay napreserba at hindi binuwag nang magsara ang RCCI, maaaring maging tourist attraction ito ng Binangonan. Malaki ang buwis na ibinabayad ng RCCI sa munisipyo ng Binangonan nuong panahong ito ay nasa top ten cement Manufacturers sa buong Pilipinas. Ang share ng Calumpang sa taxes ng RCCI ang nag-akyat sa Barangay sa ikatlong may malaking budget sa Binangonan.



Multo ng nakaraan

Mula ng itatag ng Paring Recoletos kasama ng mga industrialista nuong 1912, hanggang sa mabili ito ng Pamilya Madrigal nuong 1928, ang RCCI ay dumaan sa paghahati-hati ng pagmamay-ari. Dalawang giyera ang kanyang nalampasan, World War I (1916) at World War II (1945). Ang kwento ng kabayanihan ng mga manggagawa ng RCCI sa paglaban sa mga Hapones at pagtulong sa mga kababayang gerilya ay nakatala sa historya ng Binangonan.

Taong 1949 nang mapasakamay ng Kapitan ng Pamilya Madrigal, si Don Vicente, ang buong pamamalakad ng RCCI. Bilang family corporation, ang mga miyembro ng Pamilya Madrigal tulad nina Doña Pacita at Miguel Vasquez ay nagkaroon ng mahalagang papel sa pagpapatakbo ng RCCI.

Taong 1976 nang ipamahala ng mga Madrigal ang RCCI sa Philippine Investment Management, Inc. Sa ilalim ng Phinma, lumago ang produksiyon ng simento, tumaas ang income hindi lamang ng pabrika kundi ng mga manggagawang nakadepende dito. Hindi malinaw kung bakit binawi ng Madrigal sa Phinma ang RCCI nuong 1995.

Taon 1998, nabili ng Cemex, ang 70% ng RCCI. Ang Cemex ay kompanyang Mehikano at ikatlong pinakamalaking cement company sa buong mundo. Ang haka-haka, ipinagbili ng Madrigal ang RCCI dahil nagka-gap ang Madrigal at ang Phinma. Ang sabi-sabi, binili ng Cemex ang RCCI para mamonopoliya ang produksyon ng simento. Ang totoo, nasara ang RCCI nuong 2003, nawalan ng trabaho ang maraming taga Binangonan at ang dating masigla at maunlad na pabrika ay isa na lamang multo ng nakaraan.



Simentong Matibay

Iyan ang Rizal Cement hindi lamang bilang materyal ng konstruksyon kundi solidong tali na nagbibigkis sa mga manggagawa at mga may-ari ng kompanya. Para sa mga pamilya na maraming henerasyong nagtrabaho sa RCCI, ang mga Madrigal ang malaki nilang pamilya. Sa mga Balignasay mula 1928 hanggang 1998, mula kay Lolo Macario, kay Tatay Loy hanggang sa anak na si Gary. Sa mga Galang, mula sa amang si Aniano hanggang sa anak na si Alexander. Sa mga de Ramos, mga Grana, mga Tangonan at iba pang bumilang ng 30 taong paglilingkod.

Ang pasko at mga okasyong ang mga Madrigal ay nakikisalamuha sa mga manggagawa, nagbibigay ng regalo at premyo, ay panahon ng pakikipagpamilya. Makausap si Doña Chito. Makamayan si Doña Macaria. Makatabi si Doña Ising. Makita si Don Antonio.

Nang magsara ang RCCI, ang simentong matibay ay nabasag, ang tali ay nalagot, at tanging alaala ng panahon ng kasaganaan ang natira dito.




May naiwang recuerdo

Ang pabrika ay nandiyan pa bagama’t nakabangkike. Ang bahagi ng cableway sa Barangay Calumpang ay nagsisilbing daan kahit ito mabato at maputik. Tahimik ang Cemex sa balak nito sa natitirang pasilidad. Hindi pa siguro makapa ang pangangailangan ng barangay na kinalalagyan ng kanilang pag-aari. Pero ang mga Madrigal ay nandiyan pa rin. Kung wala man ang puno ay nandiyan naman ang bunga. Baka sakaling mahikayat sila sa pagbibili o kaya’y pagdo-donate ng bahagi ng cableway na magiging alternatibong daan palabas ng Calumpang. Sa gayon, maipasimento ng Barangay ang bahaging ito at maidudugtong sa daan patungo sa Macamot. Malaking ginhawa para sa mga tao.


Nandito pa ang RCCI sa puso ng mga taga Calumpang sa bagong daan na bubuksan sa mamamayan. Kailangan lang sumulat, mag- text o mag-email ang mga taga Calumpang sa Pamilya Madrigal para dito. Kailagan ding magkaroon ng representasyon ang Barangay sa Senado, kay Senador Jamby Madrigal, hinggil dito. Kailangan ding kalampagin ang pamunuan ng Cemex sa usaping ito.

hergonz52@yahoo.com

49 thoughts on “NASAAN NA ANG RCCI?

  1. Bakit hindi natin hikayatin si Mr. Henry Sy na gawing SM (shoemart) ang RCC. Paano ito gagawin? Hindi ko alam, meron naman sigurong may alam na paraan para magawang kapakipakinabang ang isang pabrikang naka-bangkiki lang!

  2. Kay Tikbalang:
    Paumanhin sa matagal na pagreply kasi:
    1) Mahirap magbasa ng isa lang ang mata ng reading glasses. Nabasag kasi at wala pa sa aking rich relatives ang nag-aambag ng pampagawa. (Remember, mayaman lang sila sa sense of humor at sa figure of speech.)
    2) Di ko nais ma-provoke. The last time I was, magdamag akong kumanta sa videoke at kinailangan sansalain ako ng Barangay Tanod para tumigil dahil may Barangay Ordinance na nagbabawal mambulahaw sa hatinggabi.
    3) Naniniwala ako na dapat irespeto ang opinion ng aking kapwa , whatever that means.
    4) Di ko hangad na madagdag ka pa sa isang kapitbahay ko na nagpepetisyon sa barangay upang malipat ang aking tirahan sa Cardona, Rizal.
    5) All of the above.
    At panghuli, fan ako ni Santino ng May Bukas Pa series kaya I subscribe to his wisdom: “Pumukol ng bato ang walang kasalanan”.

  3. Our dream shall never die!

    Isang eksena, hango sa Lucky Me commercial, iyong batang umiiyak dahil hindi nakasali sa basketball team ang inaalo ng nanay. Sa reshooting, isang Kagawad ang pinapayapa ng Kapitan.

    Ngaw-ngaw ng Kagawad: Kapitan ginawa naman natin ang lahat para mapasemento ang bahagi ng Cableway Road mula sa Big A& A Compound hanggang sa daan papunta sa Calumpang Elemetary School at palabas sa Hi-way, Macamot. Nandyang nagsukat tayo, nagresearch, nagdocument. Nagnetwork sa Cemex Phils., sa office ni Senator Jamby Madrigal. Nag write up sa mini-dyaryo, sa blog, sa facebook. Nag barangay resolusyon na tayo, naendorso pa ng Sangguniang Bayan. At ‘di ba, ‘di ba ipinangako iyan ni Gob. Jun Ynares nuong inagurasyon ng Ynares MultiPurpose Covered Court, sa harap ng napakaraming taga-Calumpang! ‘Di ba nagpadala ng engineer si Gob. para inspection ng proposed road. ‘Di ba ready na ang lawyers ng Cemex for negotiation at schedule na lang ng Gob. Jun ang hinihinatay. Ano’t ngayon ay biglang hindi na muna ang project?

    Isang rolyong tissue ang dala ni Kapitan upang tuyuin ang luha’t uhog ng Kagawad.

    Say ni Kapitan: Ayon kay Gob. Jun, may 200 million ang kakailanganin para marehabilitate ang infrastructures na nasira ng bagyong Ondoy. Kaya mapupunta duon ang para sa mga bagong projects.

    Si Ondoy! Si Ondoy na naman!! Walang Palarong Pinoy dahil kay Ondoy!!! Walang exhibit, walang Rakrakak, walang languyan at bangkaton sa Pritil!!!! Walang uniform dahil kay Ondoy!!!!! Pero i-analyze mo Kap, sandamakmak ang bumuhos na tulong mula sa ibang bansa para sa Pilipinas dahil kay Ondoy. Hindi ba magawang positibo naman ang dating ni Ondoy?

    Mas lalong kailangang maipasemento ang Cableway Road dahil mas lumaki ang lubak, mas naglitawan ang bato, mas lumalim ang tigilan ng tubig. Mas malaking sakripisyo at perwisyo sa mga taong dumadaan.

    Isang mug na kopiko ang ipinalaklak ni Kapitan sa Kagawad upang kumalma.

    Hindi tayo nag-gigive-up, Kagawad. Hahanap ng paraan para maibigay iyan ng Cemex sa atin. Lalapitan natin si Congressman Duavit, baka marami pa siyang CDF. Dadalalhin natin kay Senator Madrigal, malaki ang pondo niyon at saka reelectionist pa. Pakikiusapan si Mayor Boyet na laanan ng munisipyo ang 600 meters long at six meters wide lang naman ito. Kung kailangan gawing bayanihan ang labor at tanging materyales muna ang gastusan. Ano bang kahit lahat ng taong dumadaan ay mag-ambag ng labor force.

    Kaylan pa yon Kap? Nakakantsawan na ako ng mga ka-email dahil mapagpaniwala daw ako sa pangako ng politiko na napapako naman.

    Naiirita na si Kapitan. Naku, Kagawad, humanap ka na lang ng ka –email na hindi ganyang ka negatibo. Nandiyan ang mga taga Saperia, Lozana, Alcantara, Sambukluran, Smac, Neighborhood, Hinayon, Asac, Lorecom, Picones. Silang mga hindi magsasawang umasa na maipapakongkreto ang tanging daang magdudugtong sa kanila sa Main Road. Mga walong libo ‘yan.

    At muling nagningning ang mga mata ng Kagawad. Pack-up na ang shooting, bago pa may tumula.
    Our dream shall never die!

  4. umaasa pa rin ako na me patutunguhan ang ating pangarap na alternate route.. hindi man sa ating panahon ( well…) we can always be proud na we planted the seeds of hope…d man tayo anjan pag anihan na.. we have done our best given the present situation.. d ko dapat na sabihin pa ito dahil alam mo na to.. well, just a gentle reminder.. no matter how much effort we put into this project.. ga pitsel mang kopiko ang laklakin natin maya’t maya.. there are things beyond us.. not within our control at wala rin sa atin ang desisyon.. the cableway road “dream” project ay isa sa mga ito.
    me resolusyon na tayo, kinatigan ng munisipyo, naiintindhan at gusto rin ni gob, sabi ni tio bibit gusto nya rin..but!!!! wala sino man s atin ang pwedeng magdesisyon na ito ay ibigay sa gobyerno.. i am not telling that we stop dreaming.. my take is that we keep on following this up pero at the back of our minds.. makatotohanan nating iisipin na ito ay hindi natin ari at wala sa atin ang desisyon..we will storm even the gates of heaven for this request.. but then beggars cant be choosers.. decision makers pa kaya?
    R E A L I T Y C H E C K !!!!!

    peace c,)

  5. KapJo,isang gabi daw naguusap tayo. Tinanong kita… bakit hindi mo sila blakmelin ng iyung boto. Ibigay mo ang boto ng Calumpang sa sinomang makakatunggali ng ating congressman. Iyun ay kung meron man. Boto sa isang kandidato na hindi base sa winnability kundi kakayahang gumawa ng mga bagay na magpapaunlad sa kanyang constituents. Kung matalo sa isang malinis na halalan ayos ka lang…kung manalo bonus iyun. Sanay ka naman sa ganitong uri ng pakikibaka dahil taga UP(Useless People…joke)ka.

    Sabi ko pa…hindi ba pwedeng iamot sa ating congressman yan? Patak lang yan sa kanilang “pork barrel”, baka nga anggi lang eh. Ang NPC ang isa sa kalasag ni Gloria sa House of Representathieves and he belongs to this party.

    Tuloy tuloy ang pagkompronta ko sayo…sinasabi ko ito sayo dahil sa tinagal tagal mo ng naglilingkod sa bayan eh sa tingin ko, hindi ka pa rin nalalamon ng sistema. So, may pag-asa talaga ang “bagong pagbabago”.

    Nuong sasagutin mo na ang mga tanong ko, bigla akong nagising…nangangarap lang pala ako.

  6. Hindi naman siguro kailangan ng alternate route ng Calumpang. Huwag lang paradahan ang kalsada, dapat huwag bumili ng sasakyan kung walang garahe. Bumili muna ng garahe bago bumili ng sasakyan. Bato bato sa langit tamaan ay magalit at mag-isip!

  7. hepe,

    Kung dumadaan ka lang sa National Road ng Calumpang, kung madadanasan mo kung paano ang traffic mula sa tapat ng Barangay Hall hanggang sa tapat ng Calumpang Elementary School, kung bibilangin mo ang mga tricycle at pribadong sasakyang ang garahe ay ang kalsada… you have to revise your statement.

    Kung makikita mo kung gaano kaputik ang daang Cableway kung umuulan at kahit hindi umuulan, dahil ang kalsadang ito ang malaking canal ng tubig galing sa mga sitio sa itaas, kung sa tag-araw ay babagtasin mo ang batu-batung singtutulis ng boteng basag, kung ang sasakyan mo ay ma-flat dahil dito, kung makikita mo ang mga batang butas na ang tsinelas sa paglalakad… babaguhin mo ang iyong comment.

    Iyan ay kung…

  8. rowena,

    From where I sit,(sa lapag, siyempre)it’s a question of pouring funds for the project. Cemex Phils. is not going to donate that part of the property to the government. But they are amenable to a buy out. hay!

  9. zac,
    Paninindigan ko ang sinabi kong “huwag gawing garahe ang kalsada, bago bumili ng sasakyan ay gumawa muna ng garahe”. Kinamulatan ko na ang kalsada ng Calumpang ay garahe ng sasakyan ng mga may sasakyan na taga-Calumpang. Last year na dumaan ako sa kalsada ng Calumpang ay ganoon pa rin! Hindi lang mistulang garahe, talagang garahe.

  10. dreaming is a major part of my life.. lalo na sa pulitika.. kung di ako matining mangarap.. i wont be here.. however.. my years in politics tempered my dreaming.. kase alam ko na ang realidad.. sana kung ang boto natin ay napakahalaga.. to the point that without our vote they would lose (reality number one.. even without our vote.. overwhelming ang kanilang panalo).. reality number two: dalawang eleksyon ng talo si jack duavit sa calumpang.. nitong 2007 lang nanalo.. yet.. panalong panalo sya sa binangonan at buong distrito.. reality number three.. ang kalaban ni joel duavit next year ay si joey mendoza… need i write more?.. there would be other viable strategies.. hindi pa lang siguro natin natutuklasan.. sa ngayon.. i ampraying for wisdom.. that i may know what should i do to realize the cableway road.. and pray more that those people who have the power to make this happen would see the light (baka heylo ni chef) and utilize their oodles of money to purchase the said lot (that is a private property).. comments like yours inspire me to hope and pray and strive harder para sa daang ito..salamat sa motivation.. baka paggising mo o paggising ko ay kalsada na ang cable way..

  11. Paano napatituluhan ang isang pahabang kalsada?
    If my memory serves me right…sumulat si ka Leon sa kanyang column,an open letter ba… asking (begging) former Senator Rene Saguisag (batang pasig)to handle this case for the people of Binangonan. Calumpang in particular.

    Alam kong suntok sa buwan iyun. Kahit na, sabi nga eh “ayos lang yung suntok sa buwan,sumablay ka man baka makahagip ka ng bituin. He he he

    KapJo, obvious bang kailangan ko rin ng “reality check” he he he

  12. Kapjo, Si Joey Mendoza ba ay kumandidato ng Mayor noong 1992?
    Bumalik tayo sa taong mid-80’s, ang mga taga-Calumpang ay nag-aaway at nag-tatalo kung ipapasara ang Rizal Cement dahil sa epekto ng usok nitong ibinubuga sa bayan ng Binangonan. Hindi raw kayang mag-kabit ng filter ang Rizal Cement dahil masyadong mahal.
    Si Joey Mendoza ang namahala sa botohan sa Calumpang (ginanap sa Talipapa ni Ka Odong) kung ipapasara ang Rizal Cement o hindi!
    Mga kababayan (kampanya na ito) ang Rizal Cement ay nag-bibigay ng hanapbuhay (noong bukas pa!) subalit nakakaperwisyo rin dahil sa usok na likha nito.
    Alam ni Joey Mendoza na nakatulong at nakaka-perwisyo sa kalusugan ang Rizal cement pero hindi sila gumawa ng resolusyon para masolusyonan ang problemang ito! Ang ginawa nila ay pinag away-away nila ang mga taga-Calumpang dahil sa isyung ito.
    Joey Mendoza, he will not get my VOTE!!!

  13. hepe,

    Ang premise na kinu-question ko ay ang “hindi na kailangan ang alternate route”. As to your stand na “huwag gawing garahe ang kalsada at bago bumili ng sasakyan ay gumawa muna ng garahe”, I agree to that 101%.

    Ma-kwento ko ang aberya ng nagsulong ng ganyang panukala sa meeting ng Liga ng Barangay. A councilor was seeking the group consensus re municipal ordinance that probibits clutter along the road, parked vehicles included.
    Representative of Kap Jolan’s remark was simple: we go back to the basics, limit the number of tricycles to be franchised in proportion to the number of barangay residents and require the availability of garage before approval. That sent a councilor and two barangay captains scrambling for sensible answer. Aba’y sino ba naman itong saling pusa lang ay tatalo pa sa mga lion sa kanilang teritoryo? Bottomline: di malilimitahan ang bilang tricycles (siyempre, bawas kita ng munisipyo at ng TODA)at ang requirement ng garahe ay hindi nga kayang ipatupad ng LTFRB sa mga pribadong sasakyan ay mas lalo pa tayo? Hihirit pa sana ang kagawad “malayo ang LTFRB, pero tayo sa Binangonan ay matutunton, kung gugustuhin, ang may garahe at wala”. So the key word there is gugustuhin. Political will. Mayroon lang political, walang will. Sige nga, sinong manghihingi ng boto ang gustong makainisan ng mga TODA? Hindi na nagsalita ang rep ni Kap dahil baka bitbitin na siyang palabas ng Sgt-at-arms ng konseho.

    Kung susumahin, baka mas madali pang maggawa ng alternative road kaysa mapaalis ang mga sasakyang inari ng garahe ang maliit at masikip na kalsada. At hindi sa barangay lang natin iyan unique ang ganyang sitwasyon.

  14. Koroks,
    Mas matalas na naman ang memorya mo kaysa sa mga dapat ay alam ang advocacy ni Ka Leon.

    Walang tsansa nuong panahon ni Ka Leon na mahingi or mabili ang parte ng Cableway Road dahil nuon ay operational pa ang Rizal Cement Co. at daanan iyan ng bagunetang nagdadala ng batong puti mula Quarry hangang pabrika. Alam ko na alam mo yan dahil isa ka sa nagbitin sa bagoneta sa pinakamataas na bahagi nito sa lugar malapit sa nasirang Ka Tano. (trivia lang)

    Ngayong sarado na ang RCCI at under the Cemex Phils, mas may chance na makuha ang bahagi ng cableway road na pwedeng ipasimento ng gobyerno. Ang area ay 20 meters wide at may habang 7 kilometers, mula planta hanggang Quarry. Makuha man ang 6 meters, may matitira pang 14 meters. A wise property developer would consider that a road built inside the property can increase its value.

    My educated guess is that Cemex Phils. is not keen on donating any part of that road because once it agrees for a particular barangay, the rest of the five barangays where Cableway road passes through would ask for their particular share. Right now there is another request from Macamot seeking similar donation. And if my moles are right (most of the time ay sitsitan lang ang alam nila) there is an area in Palangoy that the Madrigal Family approved for road concreting. Kasi naman ay dumadaan iyon sa village na puro big time ang may-ari.

    So, may precedent. Konting research pa, at maraming pakikipag-ugnayan. At mas maraming dasal.

  15. Isang paglilinaw, nuong sumulat sya (ka leon) ay bago ang napabalitang (or they receive a formal notice) tatapyasin ang mga bahay at likod bahay ng mga nakatirik sa daang baguneta (home along the kable sabi ni ka emy) .Ang mga katagang “papaano napatituluhan ang isang lupa na pahabang parang kalsada” ay narinig ko kay ka cabo.

    Ang lupaing iyan daw ay pinakiusap lang ng madrigal sa mga may lupa. Sabi daw eh, pakikinabangan pa rin ang ilalim dahil baguneta nga eh. Libre pa ring magamit ang ilalim. So ,sa matandang titulo hindi binili ng madrigal iyan. I know and I am sure that this will not fly in the court or law. Kwento lang…pangpahaba ng blog he he he

  16. salamat kapjo at chef sa mga pagbibigay linaw sa mga isyu. Salamat din sa paglalatag nyo sa isang malinaw na paraan kung saan kayo nakatayo at bakit. Paninimbang sa sitwasyong “damn if you do and damn if you don’t. Makakaasa kayo na tuwing may dadating na ganitong usapin ay makikisawsaw (asulpar?) ako para sa isang mayabong na balitaktakan at dagdag kaalaman sa aming mga nasa labas ng nayon natin. Huwag ipagkamaling nagmamarunong at nangaasar, dahil ako ay pekakam. Ang taya ko sa inyo ay pati pato.

    Minsan ay nakakaasar ang dating pero pagbigyan na at may middle age syndrome he he he

  17. Koroks,
    Ang middle age syndrome ba ay andropause din? ha-ha.
    Alam mo ba na kami ni Kapjo ay nae-excite pag may comments kayong mga taya-pato sa amin dito. Your taya not only probe our mind and touch our heart but also keep us on our toes. Aba Kapjo, may sumisiryoso sa atin kahit na nagpapatawa o nang-aasar.

    Marami pang dapat ilatag na pag-uusapan. Nandiyan ang Guido Hacienda- ang kaso ng pag-aangka ng mga Guido sa 3,000 ektaryang lupa sa Binangonan. Ang ma-intrigang pagpili ng lokal na kandidato sa halalan. Wait lang na matapos ang pag-file ng candidacy. At ang hndi matapos-tapos na sistsitan sa kalye pitong gatang.

    Sabi ni Kapjo, iba daw ang dynamics ng politika sa amin kaysa sa pagtingin ninyo diyan sa kabilang ibayo. At ang paghimay sa dalawang mukha nito ang mayabong na pag-usapan. Para lang maykulang – wala tayong paghaharapan.

  18. Ang dynamics ng politikang pinoy ay unique, kahit na sabihin pang ibinase ang ating konstitusyon sa pinakamatandang konstitusyon sa buong mundo. Ang kuro kuro kong binigkas at bibigkasin ay ayon, base at patungkol sa ating pamumulitikang pinoy.Never kong ikukumpara iyun sa ibang bansa. Alam ko rin na ang hindi pagkompromise to the “powers that be” ay nangangahulugan ng pag ipit sa mga pagawain ng isang namumuno sa nayon. You can call it political suicide.

    In the big picture, si Gloria (yung may nunal sa mukha). Alam natin kung paano nya ginagamit ang pork barrel para hawakan sa ilong ang mga kongresista at yung isang fund, para sa mga pinuno ng local governments. Pero may mga elected public servants na “sanay sa gutom”, laban kung laban. Kaya lang ang nasasakupan mo will be the one who will suffer at gagamitin ito ng mga kalaban at sasabihing incompetence on the part of the leader. No win situation.

    Sa susunod ibablag ko naman yung patianod agos na pinuno to protect his constituents… pero patungo sa makabagong pamumuno.

    P.S. papel lang ang aking pagiging banyaga. Pinoy sa isip, sa wika at sa gawa (nakataas ang kanang kamay). May agimat pa ang dugong nanalaytay sabi ni bamboo.

  19. Ibang Daan

    Makadawdaw nga sa usapang alternative route.

    Nang manalo si Tyong Bibit sa pagka kinatawan ng first district , matapos ietsa-pwera ng Comelec si Sir Aguila dahil Amboy (1994 yata iyon)may ipinanukala siyang 10 alternative routes kabilang ang daang magdudugtong sa floodway sa Angono pa baybay dagat hanggang sa Pritil ng Binangonan. Lahat ng Mayor at mga Kapitan ay nabigyan ng ganitong “promise paper” na kumpleto pati budget. Ewan kung siniryoso ng mga nakaupo iyon, pero kaming mga tambay na sawa na sa makipot at masisikip na daan, bwisit na sa mga naghambalang na tricycle at pribadong sasakyan sa kalye, ay kumapit sa kakarampot na pag-asa.

    At bakit nga hindi, kung Angono, Taytay at Cainta ay nagkaroon ng floodway, Binangonan pa kaya? Mantakin mong pagbaba sa bangka galing sa Isla ay sasakay kana ng dyip o FX patungong Crossing o Cubao. At iyong taga loob ng Binangonan ay maliligtas sa dusa ng biyaheng National Road. Palakpakan ang mga may-ari ng lupa na malapit sa proposed floodway, kasi tataas ang value ng kanilang property.

    Nahalal si Erap at parang lumiwanag ang alternative route. Napunta sa Supreme Court si Justice Consuelo, si Mam Remy ay sa DILG (in preparation sa pag-upo ni Kang Ito), si Joey M ay nasa LLDA at bago umeksena si Sipag at Tiyaga Villar, ay nakatuon ang paningin ni Tyong Bibit sa Speakership of the House.

    Edsa II at alam na natin ang nangyari. Pero, pero, kahit na si Glory B. (abbre. sa salitang kalyeng “small”) ang namumuno ay may political clout pa rin ang Tyong at Kang. Sabi nga ng taga-Isla, sa umaga- kay Gloria, sa tanghali – kay Danding at sa gabi – kay Erap. Kung PINANINDIGAN nila ang proyekto ay baka masaya na tayong lahat. Nahalal ng tatlong terms si Brod Jack (na nakikita ko lang pag-kumakampanya) at ngayon ay papalit si Older Brod Joel. May pag-asa kaya ang ibang daan?

    Bagamat ang boto ng tulad kong tambay ay hindi makaka-dent sa dami ng kanilang taga-paniwala, muli at muli ko pa ring isusulat ang pangalan ng kanilang kalaban, kahit laging talo. Duon man lang makagawa ako ng statement.

  20. Zap,
    Nagka-roon ng alternate route, ginawang garahe ng mga sasakyan at nag-dulot muli ng traffic. Gagawa ba uli ng alternate route?

    Zap statement “Sige nga, sinong mang-hihingi ng boto ang gustong makainisan ng mga TODA”. Zap, diyan naniniwala ako sa sinabi mong ito.

    Kapjo and Chef, medyo pataas ang kalsadang inyong tatahakin at maalon ang dagat na inyong pag-lalayagan. Sa lalim ng inyong nalalaman at haba ng mga karanasan ay kayang-kaya ninyong tawirin ang ano mang balakid na hahadlang sa ikabubuti ng ating Calumpang. Good Luck! At kung hindi naman kayo mag-tagumpay (which I highly doubt it!), you can come to me and cry on my shoulder.

  21. hepe,

    Hindi naman ako umaalis ng Pinas except in my dreams pero hindi alam kung saan yang alternate route na sinasabi mo. You seem to be omnipresent.
    Anyway, nahuhuli na pala ang aking sitsit brigade. Babawasan ko sila ng allowance!
    Wait lang, can’t discuss something I am not aware of.

  22. Ang sinasabi ko ay kung masemento ang daan baguneta at gawing garahe na naman ng may mga sasakyan na walang paradahan, ano na ang mang-yayari? Hanap uli ng panibagong daan?
    At saka OK lang ang mangarap dahil libre naman ito!

  23. Kung mangarap ka at magising
    at least sumaya ka sa pangangarap.
    Kung ang mabuting hinahangad ay
    pipigilan lang ng negatibong balak,
    Kung ang paglipad ay patatalian lang ng takot,
    Kung ang nakikitang kulang ay
    hindi hahanapan ng kahustuhan……
    Tanggalin na nga ang salitang “kung”
    Manood na lang pag-inog ng mundo
    Nang wala tayong ginagawa!

  24. I do not wish to engage my friend into a protracted battle of wits (or wit’s ends).. chief’s concern being – why go for physical change (alternate route) when real change should be in the attitude (tricycle and vehicle owners stop using the road as their private turf)?

    Our attack should be on both fronts.
    The National Road in Calumpang is, by any measure, too narrow and inadequate for the volume of traffic and road users. While there is the Cableway Road where some 10 sitios and about 8,000 residents have no choice but to pass through on their way to National Road or to Hi-Way, Macamot. It is only logical that this avenue be pursued to where it would take us – in the corporate board, in the provincial and national government and, finally, in the heart and mind of those who stand to benefit from its fruition.

    The concern that it would just end up as another public garage must be addressed in the following campaigns:
    1) An ordinance requiring availability of garage before approval of tricycle franchise and limitation to the number of tricycles in proportion to barangay population; 2) Establishment of a common garage/parking area for tricycles that do not have garage; and 3) Engaging the TODAs as THE stakeholder in this quest for “clutter-free and passage-friendly road/s”. BIG DEAL, really. And, wishers/dreamers are not even certain if they would still be around to realize this. Well, that’s the reason why public awareness is being drum up.

    Anyway, thanks friend for your take and reminder.

  25. chef et al:

    mukhang very passionate na ang diskusyon sa alternate road.. look at what distance could do.. salamat sa d2sacalumpang at me avenue tayo to air our ideas.

    nakakatuwa naman si chef, mala-policy paper na yung comment nya. kaya napaka-swerte ng ating barangay for having people like you (anuman ang sabihin ni erich dun sa kabilang pahina) na matamang nag-iisip naghahain ng makabuluhang panukala hinggil sa mga isyung ating kinakaharap.

    ayoko nga sana sumawsaw dahil mas enjoy etong magbasa ako ng intelligent exchange of ideas between equally intelligent bloggers.. ang epekto nga lang ay ang aking pag-asam na sana ay nandito kayo sa ating barangay at katulong natin sa pag-abot ng mga pangarap na seemingly impossible.
    salamat sa paglalaan nyo ng talino panahon at pagmamahal para sa ating nag-iisang Calumpang.

    Segue lang dun sa tutulong na lang sya pag naiba na ang pamunuan (ung si erich yata ang nag blog nito) or tatakbo yata syang kapitan:

    sana ay kumandidato ka nung 2007 para nabigyan naman tayo ng tsansang marinig ang pwedeng gawin mo sa ating barangay beyond basketball clinic (mukhang si erich ay magaling na basketbolista to offer yung services nya for this project). sayang nga lamang at mukhang hindi tuloy ang eleksyon ng barangay next year.. you would have to wait until 2012 para makatakbo ka.. or sumuporta sa tipo mong kandidato.. pasencia ka na kung hindi pasado sa iyong pamantayan ang munti kong nagagawa para sa ating barangay.. well, that is why we are in a democracy- bahagi ng demokrasya ang kalayaang mamuna (sana nga lamang ay sa tamang konteksto). anyway, kung hindi na ako ang kapitan sa susunod.. i am eagerly waiting the help that you could give sa mga taga-Calumpang.. kawawa naman ang ating baryo na hindi mo matulungan dahil di mo gusto ang pamunuan. Payo lang po, pwede ka namang makatulong sa pamilya mo, sa kamag-anak mo, sa kaibigan mo ng hindi magdadaan sa barangay- well baka namn ito ay ginagawa mo na e salamat naman sa diyos.
    anyway.. mukhang di ako maka compose ng coherent response.. my only point actually is to say thank you erich for wanting to help and may you be successful in whatever it is you are doing so that you will realize your desire to help your ka-barangay in due time.

    to chef, hepe, koroks.. continue blogging (i kent imagine d2sacalumpang without your sawsaw/s-).. you have given me reason to smile to strive to hope and to thank God (dramatic..so sorry cant help it). just reading your comments dama ko ang inyong sincere desire to help not me but our barangay and ka-barangays. ciao for now.

  26. Chef,tapos na ang paylan ng mga kandidato. Balita naman dyan oh. Yung mala detektib na panulat…hane.

  27. chef,
    Thanks for translating my statement to layman’s term, mangangarap na rin ako na sana ay masemento ang alternate route. Kahit sa pangarap lang, libre naman ito!

  28. hepe,

    hiramin ko nga ang favorite dialogue ng bagets kong pamangkin (nikki) as always, “no probs!”

    last hitrit na: who was it who said one should work for one’s dream?

  29. Chef, dapat pa pala ay Lolit Solis ang alias mo! Parehong-pareho ang style ng pag-susulat ninyo, kaya lang fan ako ni Cristy “per minute” Fermin.

  30. Chef,salamat ng madami at sa iyong panulat ay naeexercise ang aking kaisipan sa iyung mga palaisispan. Pero kuha ko…kuhang kuha. Sige hanggang sa muli.

    Pahabol: Request kay KapJo…gawing available sa botika ng baranggay yung bitamin na pampahaba ng memorya, para matandaan yung mga lapastangan sa pwesto sa araw o panahon ng halalan.

  31. Mga kapanalig sa intellectual comradeship ng nayong bumabangon sa kawalang pag-asa:

    Sir, akala ko ba ay TFC lang mayroon kayo? How come you’re so familiar with Lolit Solis? And, excuse me, Boy Abunda po ang idol. Because of the wit, humor, social relevance and healthy dose of cynicism.

    Koroks, there are issues that cannot be posted sa blog for obvious reasons. Your esposa knows my e-mail address.

    next blog, we look at kandidato sa kabilang bakod.
    very busy week for mini-dyaryo deadline.

  32. Chef, ay wala naman yatang kalaban si meyor ah. Bakit nagbubuo pa ng tiket? Tama ang mga kapitan, kung ang buong binangonan ay kakampi ng mga panginoon …bakit kailangan pang magbuo ng grupo nila? Hindi ba at ang buong binangonan ang partido nila? May basehan ang sentimiyento ng mga kapitan. Free Zone.

  33. Chef, medyo mahina ako sa mga clues na ibinigay mo. Hopefully I’ll be enlightened by election time.

    Excited ako para sa bagong edition ng mini-dyaryo!

    Kelan kaya darating ang eleksyong patas ang labanan, na walang taong nagpapaatras at napapaatras ng kalaban, at ang mamamayan ay may kalayaang pumili ng kanilang kandidato ayon sa napipisil nilang may tunay na malasakit sa bayan, hindi lang sa lakas ng kandidato o dahil nagsisimula sa ‘Y’ ang apelyido?

    Naalala ko kasi nung huli akong bumoto noong 2007, nakita nung huklubang babaeng katabi ko ang ibinoto kong mayor, sinabihan ba naman akong “balimbing” daw ako dahil lang hindi ko ibinoto yung kandidatong pamilyar ang pangalan sa Binangonan. I was judged because I chose a person whom I felt was right for the position. Kung hindi lang matanda yung babae, isinubsob ko na yung mukha nya sa konkretong sahig ng Calumpang Elementary School.

    Marahil suntok sa buwan ang pinapangarap kong malaya at patas na eleksyon. Dala siguro ng aking murang kaisipan, at ako ay “idealistic” pa rin(sa aking batam-batang edad na 30). Pero ipagdadasal ko ang nalalapit na eleksyon, na sana ang mga tao sa Binangonan ay MANIMBANG, MAG-ISIP, at MANALANGIN.

  34. sige, as a just compensation in lieu of a little monetary inducement…your karirik na macademia nuts is a done deal.

    Iniinggit ka lang yata ni md/rn.

  35. Chef:
    mukhang kay-tapang ng iyong mga tinuran lalo na sa sitsit number 1.
    resulta, baka d na magkwento ang paborito mong kaut-utang dila..
    how can i fault you, or how can others fault you.. your business puts you in an (un)enviable position of intimately talking with kapitanes/aspirantes et al and eventually becoming a listening post for them. somehow cathartic ba o therapeutic ang epekto sa mga sources mo… he he he. i would say even those in the corridors of the municipio ay walang ganyang grasp ng political dynamics ng binangonan. Mainggit sila!

    Kaya lang, sa susunod.. sasabihin siguro ng unimpeachable sources mo, “chef, d kasali tong part na to ha? for our consumption lang”

    anut-anuman..ang totoo you are like a human recorder- you dont embellish.. you write what you hear. walang dagdag walang bawas.. a very faithful and truthful journalist.. kaya lang, andun pa rin yung katotohanan na some quarters might misunderstood our exchanges dito sa blogsite..
    unsolicited advice from a chronic worrier: siguro yung sitsit 1 and 2 ay limited exposure..pero i-save mo sa mahiwagang USB for record purposes (and of course for posterity)

    Last words on this: di ako nang cecensor or nag popropose ng censorship.. in fact i enjoyed reading all your writings.. lalo na ang iyong mgajuicy political tidbits.. ang akin lang ay isang gentle reminder mula sa isang kaibigan (drama) alam mo namn sa net.. wala tayong kontrol kung sino ang pwedeng makabasa nito at magkaroon ng ibang interprestasyon.. ang internet ay parang isang carinderiang bukas sa lahat..
    nakupo.. napahaba na naman ako.. nice sitsits, quality exchanges.. at malamang pumalo agad ang D2 sa 13000 views..

  36. Koroks, kung papalarin akong makakuha ng bakasyon, e dadalaw kami dyan sa inyo pagkatapos ng bagong taon. Wag kang mag aalala at hindi ako mahilig sa macademia nuts. Papalipasin ko ang bagong taon at ayokong mag ala-(alam mo na…)

  37. Dear Kapjo,

    You know the drama of your favorite Chef: storytelling for a specific audience! Now that my audience has read about the inakupu sitsits, I am pulling them out of the blog. If only because we made pledge together at CKH.
    And, for the first time in my entire career as a storyteller, I am following my hubby’s wishes: keep quiet.

  38. chef:
    Sabi nga sa aming propesyon, when it comes to accurate and valid reporting, “if it is not documented, it did not happen.” I understand your position, and I am unsure how ‘freedom of speech’ is observed in our beloved Binangonan (in light of the recent events in Maguindanao), but if something like that would happen, probably what you wrote in here might be your best defense after all. Pero tama, quiet ka muna, tsaka na lang uli at masyado pang malayo ang eleksyon.

  39. Sundance, walang problema. We will wait for you and your better half (sa bisaya… bitter half) he he he.

  40. hay… Kung may martial law sa Maguindanao, may martial law din sa d2 blog. Whereas that in Maguindanao silences the press by the might of guns, in d2, the storyteller is gagged by strings of heart-breaking kindness. For who can say no to a gentle reminder? (read: do not disturb the powers that support us, that enable us to realize our dreams, that give us triumphs to trumpet about.)

    Heaviness of the heart will soon lighten up, passion will eventually subside, and overflow in the road shoulder caused by current of tears will naturally recede. Meantime, the storyteller is on leave. Until her muse springs her up again and she, reclaims her true self.

  41. kinukonsyensya tuloy ako (kung meron man) sa paghingi ko ng sitsit kay chef. Anyway, iimaginin na lang naming taga labas ang daloy ng iyung kwento…base sa iyung naihayag. Mat-sala ng emaram at pinagbigyan mo kaming mga uhaw sa sitsit. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon
    sa lahat. HO HO HO

  42. yaman din lamang at hinugot ng patnugot ang sitsit 1 at sitsit 2, marahil ay marapat lamang na bunutin din ang mga karampatang tugon sa nasabing sitsits.

  43. With due respect Padre Damaso, why are you asking the storyteller (ST) to work when she is on self-imposed leave? hahaha!

    At please po, wala ng pull out ng postings! The moment we do that ay baka ang d2 ay maging unilaterally-minded exchange! Mahabaging Lumikha! Wala ng excitement ‘yon.

    Padre D., bless ST as she wrestles with her personal demons namely: 1) reality check; 2) good soldier must follow the chain of command; and 3) test of her mettle as a storyteller. (yon bang how to help navigate the dangerous political waters without sinking the ship or endangering her captain to be thrown out of the ship.)

    Hayaan nating mag-emote sya sa road shoulder (kasi wala namang available shoulder to cry on. Kasi kunsimido na ang partner niyang si Batman!) Anyway, nakabantay naman ang Sitsit Brigade, hindi sya iiwan dahil wala pang ibinibigay na allowance si ST!!!)

    Worry not, storyteller is armed with self deprecating humor, a trait she has in common with Madame Imelda (Marcos) and Mam Hillary (Clinton) Big time idols! hahaha!
    Knowing ST, she’ll be back having mastered the art of circling around the square peg that she’s in. Survivor ‘yan (broken heart, included!)

  44. chef,koroks,basyon et al:

    salamat sa pang unawa.
    the word for the day is circumspection. madalas ko ring maka sitsitan si kap kaya lang talagang pang sitsit lang. alam natin hirap din yun dahil ngayun lang sya na-grupo kung kaya , sa ngayon, di nya afford ang misconceptions. unless there are sources willing to be quoted, sitsit and its derivatives could be posted. in that way we eliminate the risk of mapagbintangan and dive into the murky world of bintangan at pa-samaan.
    nakita ko si chef kangina ngina lang at ayon sa kanya, pwede pa ring maglagay ng sitsit na me self-destructing ability. tingin ko ok yun.
    baka makita ko si kapjo mamaya , makikipagsitsitan ako tungkol sa mga developments sa minamahal nating blogsite.
    wala namng pull out-an. baka lumungkot ang ating mundo. ang ating gawin lang ay tumugon sa hamon na makapagsulat ng komentong maanghang pero iwas mis-interpretation. i believe we could do that.
    eto lang po sa tabi-yabi at mag-aabang ng innovative sitsit- hitik sa insider’s POV pero ayaw ng kantang “rock-the-boat”.

    sya hale..

  45. Tuloy ang sitsit, bakit aalisin? Libel? Mahabang proseso yon, baka tapos na ang term ni Noynoy (kung mananalo) ay hindi pa tapos ang kasong isasampa sa d2….
    Dito lang mai-lalahad ng mga taga Calumpang ang kanilang mga nararamdaman. Wala naman Plaza Miranda sa Calumpang, meron si Soi (suong).

  46. isa lang ang masasabi ko na kakamiss na ang mga baguneta na musika sa aking tenga lalong lalo na pag nag wawala ito hahaha sabay sasawayin kami ni nanay na wag lalabas at baka mabagsakan kami ng baguneta (love you nanay cely)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s