Paano ba ang maglingkod?

Paano ba ang maglingkod?

Kap Jolan Aralar


Alam naman ng marami na hindi ako bago sa paglilingkod publiko. As early as 1987, ako ay naging Kabataang Barangay Chairman ng Calumpang at nahalal na Pambayan at Panlalawigang Pangulo ng Pederasyon ng KB. Isang pwestong taglay ko hanggang 1989 kung kailan ako ay nahalal na kauna-unahang independyenteng Barangay Kagawad. Hindi ko natapos ang aking termino bilang kagawad dahil ako naman ay napagtiwalaan na maging Konsehal ng Binangonan sa loob ng tatlong termino (1992-2001). Ngayon, sa tulong at suporta ng ating mga ka-barangay, naatasan akong pamahalaan ang Calumpang Kong Hirang. Ang kasalukuyan kong pwesto ang higit na humamon sa aking kakayahang maglingkod.

Kahit na pinayagan ako ng mga tao na mag-trabaho habang nakaupong Kapitan, ako ang sumuko at nagdesisyon na magbitiw sa aking mga trabaho sa UN Population Fund at sa League of Municipalities National Secretariat. Ang pagiging kapitan ay hindi lang full-time job, round-the-clock pa. Walang weekend,  walang holiday, walang pista-opisyal. Hanggang kailangan ka ng tao, you are expected to respond and serve them. Napakahirap pero napakasarap sa puso na ikaw ay maging instrumento upang makapagbigay ng kaluwagan sa mga taong nangangailangan. Pag pagod na pagod na ako  sa kakaisip o sa kakatrabaho o sa kakarinig ng mga walang batayang isyu- I can always look back sa mga nagawang pagbabago sa ating barangay.

Maayos na ang serbisyo sa barangay hall, sabi nga ni Lakambini Aimee Urgelles, “maganda sa barangay.. me aircon..”, mahusay ang mga tanod at lupon, Barangay Health Workers, sanitation team, service-with-a-smile ang mga barangay staff, me barangay ID, andaming assistance packages, me covered court na tayo, me bagong dump truck, me bagong mobile ticycle, bagong motor, mga bagong public restroom and bathroom, me botika at me bigasan. At tayo ang tinanghal na most outstanding barangay sa buong Binangonan noong 2008. Sa pamamagitan ng aking kulang tatlong taon na pagsisilbi sa barangay, tingin ko ay nabigyan ng bagong kahulugan ang paglilingkod-publiko.

Ang tunay na paglilingkod ay kailangan ng mga sumusunod: sakripisyo, panahon, talino, sikhay, pagka-maparaan, pananaw, tibay ng dibdib, at dalisay na hangaring maglingkod sa kapwa at sa barangay. Sa ibabaw ng lahat ng ito, ay ang matibay na pananalig sa Diyos.

Batay sa karanasan, hindi maaaring may kulang sa mga nabanggit sa itaas. Ang paglilingkod ay dapat na me tinatanaw kang magandang bukas para sa barangay at sa mga taong dito ay nananahan. Dapat na may tunay na pag-unawa sa mga problemang ating kinakaharap at may kakayahan at talino na makahanap ng solusyong hindi limitado sa immediate surrounding. We have to reach out and makipag-network sa iba ibang ahensya, institusyon, at sa mga taong may mabuting puso at laan tumulong sa ating barangay.

Ang tibay ng dibdib ay isang kinakailangang requirement. Ang mga kalaban ng reporma at pagbabago ay mga taong ang nais ay ang nakagisnan. Masidhi ang kanilang kaayawan na baguhin ang kaisipang “pwede na yan”. Ang mga negatibong elementong  ito ay dapat na paghandaan. Labanan ng katotohanan ang kasinungalingan, ng aktibong pagkilos ang walang katuturang pag tunganga at ng pagkakaisa ang pagkakabaha-bahagi.

Datapwat, kahit na makumpleto natin ang mga bagay na ito, mayroon pa ring tsansa na ang mga planong maganda ay madiskaril o kaya’y mabigo. When all things fail.. let us turn to God. Ang tunay na paglilingkod ay tanggap ang katotohanang kung walang Diyos wala tayo rito, kung hindi Niya tayo tutulungan..wala tayong magagawa. It is this realization that will give meaning to what we are doing in this world.

Ang lahat ng ating ginagawang pagtulong sa kapwa at sa barangay ay pagbabalik papuri sa Panginoong pinagkakautangan natin ng lahat.

TO GOD BE THE GLORY!

2 thoughts on “Paano ba ang maglingkod?

  1. Ang tunay na paglilingkod ay nakabatay unang-una sa pagkilala ng mga batayang pangangailangan ng pinaglilingkuran, at pagbibigay ng direksyon, diin at prayoridad sa mga ito, at kung paano ito tutugunan, isaisakatuparan, isusustine. Dahil ang lipunan ay isang dinamikong proseso, nangangailangan ito ng mga pagbabago at pag-igpaw sa mga nauna nang kinilalang pangangailangan.

    Anu mang paglilingkod na hindi nakabatay sa pangangailangan ito ng mamamayan, ayon sa karanasan, ay walang kabuluhan.

    Ang metapisikal na abstraksyon ng tunay na buhay sa paglilingkod, ay nagmumukhang bago dahil iba ang personalidad ng tumatakbo at nangangako ng pagbabago. Kahit naman sa panahon ng di-eleksyon ay pareho pa rin naman sa pangkalahatan at substansya ang luma dahil hindi naman ito makabuluhang nagbabago at binabago.

    Sa katunayan, sa panahon ng eleksyon at di-eleksyon, ang malawak na bilang ng mamamayan ang tunay na pwersa ng pagbabago, at sila ang dapat mong paglingkuran. At sa naratibo ng mamamayang ito, ang kolektibong pagpapakapangyarihan sa mamamayan ang exceptional. At ito ang hindi inilalatag sa anumang paglilingkod na iyong ginagawa, dahil ang sistema ng patronahe mo ay sentral sa patrol, di sa mamamayang pumapasan ng imahen ng patron.

    Paeng Marti

  2. salamat, paeng martin. bagamat hirap akong arukin ang lalim ng iyong mensahe.

    salamat sa mga tulad ninyong nagbibigay pansin sa kaunti naming nakayanan.

Leave a comment