May Pag-Asa…

Bukod sa pananalasa at paghagupit, ang bagyong sina Ondoy at Pepeng ay nagbigay kahulugan sa salitang Pag-asa. Lakas na nagbabangon sa nalugmok.  Liwanag na tumatanglaw sa madilim na hinaharap. Malasakit na kumakalinga sa kapwa na nagigipit.  Sarili na ibinabahagi sa higit na naruruhagi. Pananalig sa walang hanggang awa ng Maykapal. Paniniwala sa likas na kabutihan ng tao. 

 

          Pag-asa para sa 290 pamilyang nalubog ang bahay ang silungang ibinigay ng kamag-anak  at ang mga evacuation centers sa  Calumpang Elemetary School,  Kamatsili Compound, Cadiente Compund, Rizal Cement Company at daang  Laspag. 

          Ang  pantawid gutom, bihisan, tulugan, gamot at iba pang pangunahing  panga-ngailan ng tao mula sa mga relief operations na nahanap ng Barangay sa mga pribado at non-governmental  organizations. Pandagdag at pansalo sa tulong- gobyerno na di- sapat para sa maraming biktima ng kalamidad.

          Nakatulong ang kahandaan ng barangay na may kumpletong listahan ng nasalanta ng bagyo. At dahil may database at profile ng residente ng Calumpang, madaling nailapit sa mga private donors.

          Salamat sa tagapagdala ng Pag-asa: Barangay Council, Mayor Boyet Ynares, Governor Casimiro Ynares Jr., Red Cross, DSWD, Samahang Bagong Bayan  (Antipolo City),  Ateneo  Family   through Haizell Anore, Friends Indeed from USA through Nena Kaufman, Scheele Laboratory Phils., Philippine Chamber of Commerce & Industry, ABS-CBN Sagip Kapamilya, Santa Ursula Parish Church,  Koica Donation  from  Korea, Mr. Go Igarashi (AAR- Japan), Jesus is Lord Movement, St. Mary’s College, UNICEF, Child Jesus of Prague, Binangonan Garden of Learners, anonymous US donors, kabarangay nandito at nasa USA. Mga volunteers na nag-repack ng relief, Barangay Tanod at BHW na nag-double time para maayos ang pamamahagi ng relief goods.  

          Pag-asa din ang pagkalinga ng kabarangay na nagpakain, dumadalaw at nakikipagkwentuhan – dahil  ang kalunos-lunos na pinagdaanan ng mga nasalanta ay hindi matapos-tapos na kwento. Marahil ito ang paraan upang maalis ang trauma.

          Sa mga hindi nilisan ang nakalubog nilang lugar, pag-asa  ang andamyong mula sa Sanggunian, kay Mayor Ynares at tulong ng mga samahang kapitbahayan. Nagkaroon ng tulay upang ituloy ang buhay.

          Sa mahigit dalawang buwan sa CES relocation center, may ipinanganak na sanggol, may namatay na may sakit, may naghanda sa paglipat sa lugar na itinalaga ng Barangay upang ang silid-aralan naman ay maibalik sa mga mag-aaral na nagsakrpisyong magbawas ng oras ng klase.

          Kailangan nang pabalikin sa kanilang tahanan ang evacuees kahit may tubig pa, upang hindi  marahuyo sa pagtanggap  (libre bigas, koryente at tubig)  at hindi na kumilos para sa sarili.

          May inupahang apartment ang Barangay para sa 17 pamilyang wala ng babalikan pang bahay, karamihan sa kanila ay taga-Matikiw. Halos binura na ng bagyo ang Matikiw sa mapa ng Calumpang. Ang tents  na donasyon  ng  Koica, Korea ay naging pansamantalang tahanan ng  taga-Gervacio St. at Kamatsili Compound. May programa ang DSWD na maglilipat sa mga pamilyang nakatira sa  Laguna de Bay shoreline  na hindi na dapat  balikan. Ang relocation site ay sa San Mateo na inihahanda ng Rizal Provincial Government.

          Ano pa’t hindi nauubos ang pag-asa. Kahit ang mismong nasalanta, na nakakatulong sa ibang tao ay pag-asa ring maituturing.

 

May hinihintay na Pag-Asa

Sa Patubig

          Ang Water Tank sa ASAC, donasyon galing kay Congressman Duavit at naipatayo sa lupang binili ng pamunuan ni Mayor Cesar Ynares, ay inabot yata ng napakatagal na pagkaimbak. 

          Sa panunungkulan ni Kap Jolan, lumitaw ang mga pangangailangan bago mapatakbo ang water system.  Electrification na aabot sa mahigit isang daang libo at gastusin sa  magpapatakbo at pamamahala nito. 

          Pansamantalang naisantabi ang pagtatayo ng kooperatiba para dito. Sa halip ay ang Barangay ang hahawak bilang isang Economic Enterprise. 

           Tinitingnan ang pagbili ng tubig sa Manila Water under special arrangement kung saan ang wholesale rate ay idi-distribute ng retail rate sa mga lugar na hindi aabutin ng Manila Water service.  ASAC, Lorecom, Picones Compound at Hinayon, silang bumabayad ng mahal makapag-akyat lang ng tubig sa mataas na lugar. 

          Bilang paghahanda, pinag-iipon ng Barangay ang humigit kumulang ay 200 kabahayan ng anim na raang piso (P600.00) bilang deposit at iba pang pambayad sa water meter at pipe connection patungo sa kanilang bahay. 

          Sa pagkilos ng Sanggunian dadaloy na ang masaganang tubig. 

Sa Barangay Tanod Outpost sa Cableway Road

          Ang solusyon ng mga taga-Losana, Aramil at Pacis Street para maagapan ang  mga insidente ng rambulan, agaw-cellphone at  pambabastos  ay ang Tanod Outpost sa tapat ng Big A & A compound. Bagama’t nagroronda ang mga Barangay Tanod sa gabi, ang pagkakaroon  ng  bantay sa lugar ang  mabisang crime-deterrent. May mga materyales ng inihahanda ang Barangay at ang mga samahang kapitbahayan ay nangako na sila ang poposte sa outpost.  Ang kulang na lang: ang pagsang-ayon ng may-ari ng lupa, ang Cemex Phils. para sa pansamantalang struktura. May pakikipag-ugnayang ginagawa ang barangay kay Engr. Lucas Tojon para dito. 

Sa Materials Recovery Facility (MRF)

          Pasilidad kung saan ang mga recyclable basura ay madadala at maipagbibili ay  inihahanda na rin.  May mga materyales, at mag-aasikaso. Dito rin ang garahe ng bagong garbage truck galing kay Governor Casimiro  Ynares Jr at ang ipaayos na lumang garbade truck. Kaya lang, hindi pa rin nagbibigay pahintulot ang Cemex Phils para sa paglulugaran ng MRF. 

Sa Library ng SK

          Kaylan  at saan kaya mabubuksan para sa mga kabataan ang  libraray ng Sangguniang  Kabataan?  Para makapagbasa, makapag-research  at madama na may taya ang SK “for the sake of the youth”.   

          Ang sulok-aklatan sa Barangay Hall ay maliit, kulang ang laman at hindi makakaenganya ng  maraming mambabasa.

Sa Alternatibong Daan sa Cableway Road

Sa Bagong Kooperatiba

          Sa pag-ihip ng kandila ng Calumpang Multi-Purpose Cooperative sa ika-11 taon nitong anibersaryo, may tinitingnan na nga ba itong pagbabago?

          Si Kap Jolan Aralar ang nahalal na bagong chairman nitong June at bagong pamunuan ang binuo sa pangunguna ni Manager Jessie Francisco. Ang  dating deficit na limampung libong piso (P50,000) na minana sa nagdaang  nanungkulan ay naging surplus na  tatlumpung libong piso nitong Nobyembre.

          Ngunit tila yata ang kaunting gains ng samahan ay matatapon lamang sa hindi pagkakasundo ng pamunuan. Nagbitiw na si Kap Jolan.  Nakalulungkot naman dahil bago pa lang nagsisimulang umangat ang kooperatiba.

3 thoughts on “May Pag-Asa…

  1. Kung mangarap ka at magising, mangangarap ka pa rin!

    For now, Cemex Phils. is not keen on donating nor expropriating portion of Cableway Road that Sangguniang Barangay hopes to be concreted as an alternate road. But that doesn’t mean it is the end to that dream.

    Ang hindi mahingi o mabili, pwede namang mahiram. Ang hindi gagastusan ng pang-kongreto ay pwede namang paglaanan ng pang-espalto. Ang pansamantala ay pwede na kaysa wala nang talaga!

    Tulong-tulong sina Engr. Oca Tojon, Kap. Jolan at Kag. Her sa pagbalangkas ng panibagong paglapit sa Cemex Phils.

    Right-of-way para sa 6 meters wide and 550 meters long na daan, mula sa Big A & A Compound hanggang sa Katipunan Road, patungong Macamot. Maipapa-aspalto para maginhawang daanan ng sasakyan at tao.

    Temporary use of areas na tayuan ng Barangay Tanod Outpost at multi-purpose site para sa Material Recovery Facility, garage of dump trucks at Barangay Talyer. Mga proyekto tungo sa pagmimintina ng peace and order, solid waste management at tulong sa mga skilled yet tool-less workers.

    Ang Cemex Phils. man, bilang engaged corporate citizen, ay may pagkalinga sa mga communities in which they operate. At sa puso ng kanilang corporate social responsiblity, kumakatok ang Calumpang “to make life a little better for some 14,809 residents”.

    Sabi-sabi: ang pangangarap ay dapat sasamahan ng sipag, wastong pagpaplano at walang tigil na pagkilos. Kaloobang hindi sumusuko, maraming mang beses mauntog.

    Who knows, in due time, Cemex Phils. would agree to a buy out. Or that, the Rizal Provincial Government would have funds for the purchase and concreting of the proposed alternate road. Hope springs eternal.

    Siyanga pala, si Engr. Oca Tojon, ang sa ati’y tumutulong, ay kandidatong independent councilor.

  2. God is really good. This is a life-long dream of so many taga-Calumpang. I heard pa nga na matagal na tong project. Pero tingin ko ay ngayon lang ito napag tuunan ng pansin, proseso, dokumento, at matinding atensyon ng mga nakaupo.Salamat sa Diyos,a lot of us are with you.

  3. Post Ondoys blues

    Bagamat maraming relief goods, tulong in cash and kind mula sa gobyerno, pribado at NGOs para sa mga nasalanta ni Ondoy, hindi pa ito sapat upang makabalik sila muli sa dating buhay.

    At ang nakalulungkot, ang ilan sa mga nabigyan ng tulong ay hindi ginamit ito sa tama. Ang mga tents na pansamantalang ipinahiram at ang housing materials mula sa Kapitolyo ay ipinagbili ng ilang beneficiaries.

    Kaya naninigurado ngayon ang pamahalaang lokal. Bago magbigay ng housing materials kailangan munang manumpa ang tatangap na hindi nila ipagbibili ito. At kailangang ding i-monitor na naitayo nga ang bahay.

    Kalungkot naman. Hindi komo mahirap ay papabayaan nang hindi tama ang ginagawa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s