ALAM MO BA???

CALUMPANG TRIVIA! 

                                                     ni Noel A. Aparejo

1.  Ano ang tawag sa kinalalagyan ng Calumpang Elementary School?

2.  Ano kung tawagin ang dating lugar na tirahan ng mga baylarina sa Kabaret?

3.   Ano ang pangalan ng dating sabungan ng Calumpang at ano ang tawag sa lugar na kinalalagyan nito?

4.   Ano ang tawag sa tabing dagat?

5.   Sino ang unang naging doktor na taal na taga-Calumpang?

6.   Ano ang tunay na pangalan ni Aris Cepidoza (RIP)?

7.   Ano ang bansag kay Jaime dela Cruz (RIP)?

8.   Sino ang unang babaeng kagawad ng Calumpang?

9.   Sino ang pumalit kay Kapitan Tancio Milagrosa?

10.  Anong batch (year) ang unang nagtapos sa CES?

SAGOT:

 

KATUWAAN SA TAMBAYAN! 

ni Mickey Mateo

          Talagang masaya sa Calumpang lalo na sa tambayan. Palipas oras baga at laking tawanan kung tatawagin mo ang tao sa kanyang bansag ay may kontra silang ibabalibag. Tulad ni Rudolf Itim, sabay bawi, Rudolf Dirty White daw. Heto ang ilan:

Bansag                                        Kontra nila

                         Jessing Kambing             –          Tupang Tagalog

                         Landong Baluktot            –          Pilipit

                         Raming Karpa                  –          Bighead

                         Berting Lawit                   –          Nakabitin

                         Toning Bayawak             –          Butiking Malaki

                         Ansing Butse                   –          Siopao na Pula

                         Kokoy Kulangot               –          Muta sa Ilong

                         Edding Baby                    –          Biik

                         Danteng Payong              –          Salakot

                         Ronald Surot                    –          Anay na Pula

                         29 ng Laspag                   –          28 e medya

                         Turing Babaw                  –          Pantok

                         Edding Santol                   –          Sunkist

          Ang pinakamatindi ay kay Obong Tisoy- ang kalang de uling gagawing kalang de baga, ang Linggo gagawing Sabado at ang caroling nga sa kanya ay ang pasko daw ay umawit.

 

BAKIT NAGING BRANDED ANG GENERICS NA EDDIE! 

          Ang mga nanay naman kasi, nuong dekada 50 hanggang 70, ay iisa lang ang paboritong ipangalan sa anak na lalaki: Eddie. Kung kaya kinabitan ng brand (alyas) para ang mga Eddie ay may mapagkakilanlan. Ang kartero na nagsusugsog ng tirahan o ang istranghero na naghahanap ng kakilala ay dapat alam ang alyas ng Edding tinutukoy nila.

           Heto na — Edding Bulok, Edding Ikot, Edding Payi, Edding Santol, Edding Aso, Edding Berang, Edding Taktak, Edding Suong, Edding Kanlot, Edding Bardo, Edding Jabbar, Edding Itoy, Edding Tabo, Edding Bakule, Edding Bangus, Edding Lubak, Edding Tano, Edding Hika, Edding Kulawit, Edding Panis, Edding Boga, Edding Bisaya, Edding Bano, Edding Tisoy, Edding Pula, Edding Luma, Edding P___ (censored), Edding B____ (censored din) Edding Playboy, Edding Hudas, Edding Adjing, Edding Buwaya, Edding Palaka, Edding Peklat, Edding Kambing, Edding Manas, Edding Kirat. Sorry na lang sa hindi naisama.

          Nais ko lang pangitiin ang kaibigang kong hindi nakatuluyan ang great love niya na Eddie ang pangalan.

          May dagdag pa pala. Si Edding Taksil! Pero, nakatuluyan naman niya ang correct love na Eddie rin ang pangalan. Si Edding Tapat.

9 thoughts on “ALAM MO BA???

  1. Ibang klase talaga ang taga-Calumpang!

    Saan ka makakakita ng isang maliit na barangay ay anim ang Santong kasali sa prusisyon? And counting pa!

    Dati’y Santong Amba lang ang kanilang pambansang Santo. May pabasa ang walang kupas na Everlasting Club para sa Amba at twing Biyernes Santo ay pabasang barangay. Lahat ng pamayanan ay nag-aambag kundi man pera ay serbisyo. Dalag, hipon at tilapia ang bigay ng mangingisda.

    Hanggang ngayon ay namamanata pa rin ang mga matatanda na maghapo’t magdamag naggagayat ng rekado ng lumpia at ginisang upo. Ang kalalakihan naman ay nagsasaing sa kawa at nagluluto ng puto katambal ng mainit na sotanghon. Walang patid ang pakantang basa at walang namamalat dahil may salabat at kapeng sa tapang ay maka-kulot ilong.

    At siyempre, nandiyan pa rin ang namamanatang kakain sa pabasa mula umaga hanggang paumaga. (“patay kalan” ang tawag duon)

    Ngayong marami ng santo, nagkagrupo-grupo ang ang taga-Calumpang na nag- nagpupursisyon. Mayroon sa Pagkakanulo, sa Dismayado, sa La Penitente, sa Santiago Apostol at sa Pagkapako sa Krus. Ang dating longest record ng umiilaw sa Amba ay na-break ng ibang barangay na isa lang ang Santo.

    Sa susunod na Mahal na Araw, may dagdag pang Santo ng taga-Calumpang, ang Pagpuputong ng Koronang Tinik. Patunay lamang na talagang madasalin ang taga-Calumpang at maraming may kakayahang magmintina ng Santo.

  2. Ang lupit naman!

    Lahat ng bukana, lahat ng sulok, pati butas at lunggang daga ay tinapalan ng tarpulin at poster ng mga “malalakas”!

    Samantalang ang sa “mahihina”, mga mangilan-ngilang patalastas na ipinakiusap lang sa lugar ng paglalagyan ay ipinababakbak pa!

    Heto ang isang sabungero na pinagbigyan ang kanyang amo na ilagay ang tarpulin sa harap ng bahay niya. Ngayon ay “pinapakiusapan” ng kakampi ng “malalakas” upang tanggalin ang sa kanilang palagay ay “masakit sa mata”. Over-kill talaga!

    Hindi naman masisi ang mga kakampi ng “malalakas” dahil iyon ay minus-point sa kanila pag dating ng araw ng pagsusulit!

    Tanong ng sabungero: Kahit man lang ba karapatang makakita ng ibang mukha ng tarpulin ay hindi pwede? Ano bang demokrasya ito?

  3. Simple lang huwag kayong sumunod sa mga pakiusap ng mga malalakas sapagkat karapatan ng bawat mamayan na mamili kung sino ang sa kanilang palagay ay karapat dapat.

  4. Tino

    “Imeldific” ang ambag ng dating First Lady Imelda R. Marcos sa bokabularyo ng buong mundo. Translation nito: ostentatious extravagance; frivolous; excessive.

    “Tino” ang pinasikat na salita ni Florentino Apostadero, Sr. nuong dekada 80 sa Calumpang at buong Binangonan man. Kahulugan nuon: mayabang; mahangin; exaggeration “to the max”.

    Kaya, pagsinabihan ka ng “Magtigil ka nga, Tino” o kaya’y “Tino lang iyan”, awat na sa pagyayabang.

    Ang pagka-mahangin ni Ka Tino ay hindi naman para mang-maliit ng kapwa o kaya manakit ng damdamin. Ang “tino” ay paraan ng pagpapatawa, pang akit- atensiyon at kung minsan ay pampagaan sa mabigat na sitwasyon.

    Hale nga, saan ka makakakita ng target shooter sa Pritil ng Calumpang nuon? Nakabilad sa araw at mamamaril ng dalag, nakasampa sa tuntungang kawayan, kuntodo safari outfit with matching boots, helmet, water jug at “de boga” na galing sa US Army! Kung walang dalag na lumundag sa kanyang target spot, pupunta si Ka Tino sa palengke, bibili ng kilo-kilo at patatamaan ito sa kati yaman din lamang na mailap sila sa tubig. Saka lalakad pauwi bitbit ang isda na animo’y prized bounty. Palakpakan ang mga usyosero!

    Heto pa. Laging maingay sa kabitbahayan niya, nagbabangayan man o nagsisitsitan kaya’t naglagay siya ng hi-fi (si Ka Tino ang isa sa ilan lang na may hi-tech sound system nuon) sa tapat ng kalsada saka nagpatutog ng martsa at classical music. Abot daw sa Pritil ang sound trip ni Ka Tino! Nakabuti para sa iba dahil na-expose sa musika nina Beethoven, Bach at Mozart. Nakasama naman sa ilan na naingayan kaya nagpwesto rin ng hi-fi upang tapatan ang konsiyerto ni Ka Tino. Na-imagine mo na ba kung gaano kasaya ang kapitbahayan nila nuon?

    Ang trahedya sa pamilya ni Ka Tino, dala ng pagkasunog ng bahay nila, ay hindi naging mabigat dahil sa pananaw niyang “tino”. “Aba’y nalibre na tayo sa pagtastas ng bahay. Magtatayo na lang.” Mabait ang tadhana, dahil may anak si Ka Tino sa USA na siyang sumuporta at naging kaagapay sa pagpapa-aral ng siyam na anak.

    Maayos ang naging buhay nila na karamihan ay nag-migrate sa Tate. Si Ka Tino naman ay pabalik-balik sa Calumpang at ang kanyang pagdating ay sinasalubong ng mga kabarangay na nanami-miss ang kanyang “tino”. (Kasama rin sa pagti-“tino” ang pamamahagi ng kung anong maluwag siya.)

    Ang lahi ng “tino”, hip na ngayon ang linguwahe – “tiny” o “tenylane” – ang nagtuloy ng tradisyon. Sa dalawang nagdaang Pista ng Sta. Ursula, ang mga kaanak na umuwi ay nagsabog ng biyaya. Sa balkonahe na bagong gawang ancestral house ay batya-batyang limang piso coins at kumpol kumpol na dollars ang isinaboy sa mga napa-pagoda. Pasinaya at pagbabalik sa kapwa ng ano mang tinamasa nila sa ibang bansa. At malamang, pumapalakpak si Ka Tino sa langit!

  5. Marami rin ang hindi nakaka-alam na ang buong pamilya ni Ka Tino ay mga relihiyoso. Noong hindi pa sila nag-mimigrate sa New York, USA ay nasa bahay na sila ng 6:00 PM para mag-rosaryo. Kaya siguro malapit ang biyaya sa ng Diyos sa lahat ng pamilya ni Ka Tino Apostadero.

  6. Ang Panggagamot ni Kapitan Tano (Montano Ulang)

    Naisara ang kabanata ng mahigit 20 taong panunungkulan (1986- 2007) ni Kapitan Montano Ulang sa Barangay Calumpang sa kanyang pagpanaw nitong Pebrero 2009. Subalit ang ala-ala ng kanyang karisma ay patuloy pa ring binabalikan at hinuhugutan ng halimbawa ng mga pinuno at maging mga naghahangad maglingkod.

    Isang magsasaka na hindi gaanong nakapag-aral pero sa pakikisama sa mga tao ay daig pa niya ang may tambak na college degrees. Madaling hanapin, magaang lapitan, kabalintunaan ng ilang pinunong mahirap tawagin at mailap makita. Marahil, dahil ang personal na pag- serbisyo ang tanging kalakasan ni Ka Tano.

    Kwento ng matatanda, pag may bagyo ay madaling araw pa lang nililibot na ni Kapitan Tano ang bahay-bahay malapit sa dagat at binibilinan silang maging alerto at huwag maging kampante. Kung walang maiabot na tulong sa nangangailangan, kahit ang palay sa kanilang bukid ay ibinibigay niya.

    Pag may baradong kanal, naduon siya at kasamang nagbubungkal ng putik at nagtatangal ng dumi. Bagay na hindi akma sa may makabagong pamamaraan. Hindi gawain ng namumuno ang magbungkal ng kanal, bagkus ay ang pagbalangkas, pagguhit ng direksiyon na patutunguhan ng barangay at pagpapatupad sa planong ito.

    Siguro dahil si Kapitan Tano ay “hands-on” sa bagay na may karanasan at kakayahan siya. Sa bukid siya nag-ugat at ang trabahong patungkol sa lupa ang kanyang kasanayan.

    Sinasabi rin ng malalapit kay Kapitan Tano na ipinaubaya niya sa kapwa opisyal, na may higit na kaalaman, ang teknikal at administratibong pamamalakad. Bagay na sa pagtataya ng marami, ay naging mabuti sa isang banda at hindi mabuti sa kabilang daku. Narahuyo ang ilan na nangunyapit sa nakasanayan na at nagluwag naman sa dapat ay hawak ng punong barangay. Pintas nuon na sa pagpapaubaya ni Kapitan Tano ay halos naging “figure head” siya at ang mga kapwa opisyal ang gumanap ng papel na dapat ay kanya.

    Sa kabila ng ganitong batikos, patuloy nahahalal si Kapitan Tano kahit gaano kagaling at ka propesyonal ang naging kalaban sa politika. Bakit nga ba?

    Nanggagamot si Kapitan Tano – hapo, pilay, sapi ng enkanto, namantanda ng dwende. Gamit niya ang pag-tatawas o iyong may kandila at dasal na nagtataboy sa masamang espiritung sumapi sa katawan. Mayroon ding orasyong-bulong, may hagod ng kamay, may pantapal na dahon-dahon, may ipinaiinom na halamang ugat. Kung minsan, kahit ang pakikipag-usap lang kay Kapitan Tano ay nakapagpapagaling na ng karamdaman, nakakaalis na ng pagal.

    Parang nababasa niya ang iniisip ng kanyang kaharap, mahaba ang kanyang tenga sa pakikinig sa kanyang kausap. Banayad magsalita at ang kataimtiman ng kanyang kataga ay tila hinuhugot sa gusi ng karanasan. At ito ang karisma na naging puhunan niya sa maraming eleksyon ng kanyang pinanalunan.

    Natala na sa kasaysayan ng pulitikang pambarangay ang isang magsasaka na hindi kaylan man natalo ng mga lumaban na titulado. Nag-iisa lang si Kapitan Tano, at ang nag-aambisyong humanay sa kanyang trono ay hindi makalalapit dahil wala silang karisma na katulad ng sa kanya. Walang paaralang nagturo nuon kay Kapitan Tano kundi ang kalaliman ng kanyang puso.

  7. Ang Heringgilya ni Cabo (Aralar Jr.)

    Kung nuong 1974 ay may patalastas tungkol sa epidemya ng phrabu virus na tumama sa 11 probinsya ng Pilipinas, kabilang ang Rizal, ganito marahil ang mensahe: Sigaw ng naglilikasang virus sa katawan ng kalabaw: Takbo, mga kapanalig! Nandiyan na ang Heringgilya ni Cabo! Patay tayo dyan!

    Halos 90% ng kalabaw at baka sa Binangonan ang dinaanan nuon ng peste at ang naging tagapagligtas ay ang heringgilya ni Cornello Aralar Jr.

    Solong nagseserbisyo nuon si Cabo mula Calumpang, tawid- tubig sa Talim Island, hanggang akyat- bundok sa San Guillermo, Morong. Humigit kumulang, 20 kalabaw at baka kada araw ang pinupuntahan niyang isa-isa sa kani-kanilang lugar. Ang singil na P30.00 kada tawag ay may kasamang turok-gamot. Sa anim na buwan ng epidemya, ang heringgilya ni Cabo ang bida. Hindi pa uso nuon ang makinang pang-araro, kalabaw lang ang katulong sa bukid. At ang itinatayang 1,000 kalabaw na napagaling ng heringgilya ay katumbas ng tripleng bilang ng nakinabang na pamilyang sa pagsasaka lamang umaasa.

    Nagtapos si Cabo ng Agriculture, major in Animal Husbandry sa Araneta University Foundation dekada 60’s. Pansamantalang naglingkod bilang Livestock Extension Worker ng Bureau of Agriculture, sakop ang mga bayan ng Binangonan, Cardona, Morong at Baras. Pero sa trabaho bilang Survey Aide sa Capitolyo, Pasig siya natutok at nangarap ipagpatuloy ang Right-of-Way Agent na sinimulan ng amang si Cornello Aralar Sr. Mistulang sideline lang ang panggagamot na karaniwan ay baboy sa backyard hog raising nuon. Prutas at alak ang kadalasang bayad sa serbisyong tawag pang-kaibigan lamang. Ang epidemya ang nagsilbing “turning point” ni Cabo bilang full- time beterinaryo.

    Lumago ang pasyente ng panggagamot mala-Oki, Doc. Kundi baboy ay kalabaw at baka, kundi aso ay pusa at may ibon pa. Hanggang 2000’s, aso ang madalas suki ng heringgilya, dahil sa dumami na ang nag-aalaga ng breed dogs.

    Sa pagitan ng panggagamot ay ang paglilingkod bilang barangay kagawad ng Calumpang at pangangarap ding maging kapitan nito. Kung ang mga hayop na napagaling ng heringgilya ni Cabo ay nakaboboto, naselyado na marahil ang kanyang pwesto. Subalit ang plano ng tadhana ay mga anak ni Cabo ang magpatuloy ng kanyang nasimulan. Si Jolan, ay tatlong terminong naging Konsehal ng Bayan at ngayo’y Punong Barangay ng Calumpang. Si James ay naging Chairman ng Sangguniang Kabataan Federation ng Binangonan. Kay James, na isa ding beterinaryo, ipinasa ni Cabo ang makasaysayang heringgilya.

    Tutal, ang kontribusyon ni Cabo bilang isa sa pioneers ng baskebolan sa Calumpang, kasama ng CAAA Celtics, ay hindi na matatawaran pa. Dagdag sa heringgilya.

  8. Ang Sabungan sa Calumpang

    Larga Dyes! Larga Dyes!, damadagundong na sigawan sa Dolores Cockpit, sabungan sa gitna ng Calumpang na sikat mula dekada 50’s hanggang 80’s sa buong Binangonan at karatig bayan man.

    Dalawa lang ang sitwasyon ng sabungero nuon. “Talo”, labas sa sabungan na bitbit ang manok na duguan o patay. “Tabla”, himas ang manok na nagwagi at kipkip ang kalupi na umbok sa pustang nasamsam. Sa mga sabungero ay wala yatang umuuwing panalo. Talo o tabla lang. Baka naman kaya takot na mabalatuhan o makubrahan ng pera ng asawang nag-aabang sa bahay?

    Ang Dolores Cockpit ay ari ng Pamilya Maycacayan ng Layunan, Nuong 60’s may grocery sa loob ng sabungan, naka- aircondition at katatagpuan ng stateside na de lata, kendy, frozen foods, ubas at iba pang prutas pati na canned drinks nasa transparent freezer at coolers. Parang Megamall nuong panahong ang bilihan lang ay malilit na tindahang sari-sari.

    Ang sabungan nuon ay tulad ng fastfood joints. Sa mga karinderya duon matitikman ang pinaka. Malutong na bibingka may matamis sa ibabaw, malambot na puto may itlog na maalat, pilipit na namimigaga sa pulot, masarap na lugaw, malinamnam na lauya, maraming lahok na palabok at malapot na dinuguan. May lechon pa. Tinda ng taga-kaingin at taga Calumpang. Silbidora ang pinakamagaganda nilang dalaga. May inumin ding pampainit sa binuwenas at pampalamig sa minalas.

    Para ding ATM ang sabungan. Ang magsasabong na naubusan ng pantaya o kaya’y natalo at walang pambayad sa ipinago ay makaka-withdraw sa mga kapitalista na kadalasan ay may-ari ng karinderya. Patubuan nga lang at malamang 5-6 pa.

    Mistula ding service sector ang sabungan sa dami ng direct at indirect hires. Nandiyan ang kristo o taga-pusta, taga-pago. Ang magtatari na taga-lagay ng blade, isahan o dalawanan -pamatay ng tandang sa kasabong niya. Taga-gamot din ng sugatang tinali. Ang kasador na taga-match ng tandang na maglalaban. Ang sentinsiyador, referee ng sabong. Bukod pa sa takilyera na madalas binobola ng sabungero para makapasok ng libre sa sabugan.

    May nagsabi na pinakamatapat daw na sugarol ay magsasabong dahil ang mga natalo ay kusang nagbabayad pagkatapos ng laban. Bihira ang mananakbo o mananabit. Ang pustahan ay nagaganap sa pakikipagsenyasan ng kristo sa kapwa kristo o sa direktang pumapago. Ang kristo ay binibigyan ng porsiyento, kundi man balato, ng mga itinayang nanalo.

    Ang sabong ay libangan kung araw ng Linggo at pista opisyal kung kailan may pintakasi o derby. Sa karaniwang araw, ang apasyonado ng sabong ay nagkakasya sa tupada o iyong sabong sa labas ng sabungan, na hindi legal at kadalasan ay ipinagbabawal. Pag hinuli ang tupada, ikakatwiran na sinasanay lang nila ang panabong. Bitaw-tandang lang, palusot nila.

    Bisyo rin ang sabong. May mga misis ay nagseselos sa tandang dahil mas madalas pa raw himasin ito ng mister kaysa sa kanya. Aba’y mabusisi ang pag-aalaga ng sasabungin. Hihimasin ang tinali umaga at hapon, bubugahan ng usok ng tabako, may mga espesyal na patuka at gamot na anti biotics at multi-vitamins. Kinukundisyon ang tandang upang maging agresibo at in “killer form”. At ang pakakaroon ng tandang ay tila tropeyo para sa magsasabong. Gaano mang hirap ng buhay, may alagang tandang sa tabi ng bahay.

    Bloody sports ang sabong hindi lamang dahil patayan ng mga tandang, kundi dudugo rin ang tenga dahil sa ingay. Hindi katakataka na nuon ay marami ang “nabingi” sa Calumpang. Dahil daw may maingay na bagoneta at panatindi pa ng ingay ng sabong. Marahil, natigil ang sabong sa Calumpang, dahil sa reklamo ng mamamayan kontra sa ingay nito.

    Sa pagsasara ng Dolores Cockpit nuong 1980, ito’y naging bigasan o gilingan ng palay. Nang lumaon ay nabili ng taga- ibang lugar at naging pagawaan ng jeepney. Dekada 2000, ang dating sabugan ay nagsilbing bodega ng softdrinks at beer.

    Samantala, ang mga sabungero ay lumipat sa Cockpit ng Tayuman. Tuloy ang libangan, ang sports, ang sugal, ang bisyo. At buhay ng mga taong sa sabong umaasa ng pagkakakitaan.

  9. Ang Matandang Santo ng Calumpang

    Nagisnan ko nuong Dekada 60’s na pagdumaan sa Daususin ay pansamantalang tumigil sa tapat ng bahay ng Santong Amba para mag-antanda at tumungo ng bahagya. Pagpupugay sa imahen ni Hesukristo nakagapos, ang matandang santo ng Calumpang.

    Nakalakihan ko na rin ang paniniwala tungkol sa imahen na dati daw ay maliit, kasya sa kahita ng posporo pero lumaki hanggang maging singtaas ng tao. Biyernes, ang araw ng pagdadasal at pagtitirik ng kandila sa Amba at nuong bata pa kami ay obligasyong sumama sa lola sa pagsamba dito.

    Ayon sa kwento, 1935 dinala ng Pamilya Aparente ng Layunan ang santo sa mag-asawang Juan Apostadero at Juana Aparente na nuon ay anak na si Fermin. Nang pumanaw si Ka Juana, napakasal si Ka Juan kay Rosa Cenidoza at naging anak nila sina Indo, Luis at Ambo.

    Panahon ng Hapon, lumikas ang mag-anak at nagtago sa kuweba sa Macamot, naiwan sa Calumpang ang Santong Amba. Bagamat napasok ng Makapili ang bahay ng Amba at tinangkang buksan ang kinalalagyan nito, hindi nila nakuha ang imahen. Nang dumating si Ka Fermin at saka lamang nabuksan ang lagayan. Nuong gabing iyon, itinakas nila ang santo patungo sa kuweba.

    Matapos ang giyera, ang imahen ay ilalagak sana Macamot, sa bahay nina Ka Fermin. Subalit kakaiba ang pangyayari na bumibigat ang imahen sa tuwing dadalhin ito sa Macamot, para haliging bato na nakabaon sa lupa at hindi mabuhat kahit ng maraming tao. Samantalang nang sa Calumpang pagpasyahang dalahin ito ay mistulang gumaan siyang buhatin. Hudyat daw mula sa langit na Calumpang ang talagang lugar ng imahen.

    Lahat halos ng taga-Calumpang ay nag-aambag sa pagmimintina ng imahen. Suportang Santong Amba ang naging adhikain ng pinaka una at pinakamatagal na asosasyon dito -ang Everlasting Club. Taunang proyekto ng Everlasting ang pabasa sa Santo bukod, siyempre, sa ito ay samahan ng magkakaibigan at nagka-ibigan.

    Maraming namamanata sa Santong Amba. Kasama ang aking tiya sa naglilingkod, maghapo’t magdamag na nagluluto at nagpapakain sa pabasa tuwing Biyernes Santo. May naggagayat ng lumpia at gulay, may nagsasaing ng kawa-kawa, nagluluto ng puto na may katambal na sotanghong may sabaw. Ang mga mangingisda ay nag-aambag ng kanilang huli sa dagat – dalag na pinepesa o sinarsayo, tilapiang piniprito. ( bawal ang karne pag Biyernes Santo) At kabilang naman ang aking mga kaibigan sa namamanatang makikain sa pabasa umaga hanggang paumaga. (patay-kalan ang tawag duon)

    Ang malaking gastusin para sa bihis ng santo, gayak ng andas, pailaw at pamusiko ay nanggagaling sa donasyon ng mga kabarangay. Lalo na ang mga nasa ibang bansa at taga-rito na naka-aangat sa buhay.

    Kada pursisyon nuon ay pinakamahaba ang nag-iilaw sa Amba. Halos limang kalye nang magkakasunod ay hindi pa magkasya. At ang nagtutulak ng andas ng santo ay namamanata din. May hinihiling, may ipinagpapasalamat, may ipinagtitika.

    Nang pumanaw si Ka Juan, kinuha ni Ka Fermin ang pag-aari ng imahen at ito marahil ang ugat ng pagtampo ng mga kapatid niya sa ama. Sa isang chapel, kanugnog ng ancestral home ng mga Apostadero, nananahan ang imahen, na ang pagmamay-ari ay pinagsasaluhan ng buong angkan. Nuon ay dinadala ang imahen sa pamilya Aparente para pabasahan. Sa pagpapalit ng generasyon ng nangangalaga sa santo, ang pagdadala nito sa Layunan ay nahinto na rin.

    Anim na ang santo sa Calumpang ngayon. Marami ang encargado (nangangalaga ng santo) ang may kakayahan sa pinansiyal at kaaabalahang magmintina ng imahen. Patunay lamang na madasalin talaga mga taga- Calumpang. Nahati man ang bilang ng taong umiilaw sa Santong Amba, nananatiling pambansang santo ang pinakamatandang imahen.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s