Wala Lang… (Just Because)

Kaibigan ng Iglesia   happy face

     Ang sabi-sabi, napupuno daw ang simbahan ng Iglesia ni Cristo kung panahon ng eleksiyon at nanunungkit ng basbas ng INC ang mga kandidato.

     Malayo pa ang halalan pero maraming beses nang nag-anyaya ang kapilyang lokal ng Calumpang para sa pamamahayag. Bilang kabarangay, nagpapaunlak ka sa kanila.  At sa mga pagdalong ito, sa mga pakikinig, ay matatanto mo ang tunay na aral ng Diyos ay hindi nag-iiba-iba, marami man ang sekta ng relihiyon.  Na ang tunay na relihiyon ay ang personal na relasyon mo sa Diyos mapa-Katoliko, Christian, Iglesia, Saksi ni Jehova  o Muslim ka man.  Na ang sinasamba nating Lumikha ay iisa kahit maramimg pangalan ang tawag sa Kanya-  Allah, Yaweh, Jehova o Kristo.

     Sa susunod na pamamahayag ay muli kang dadalo bilang kaibigan ng Iglesia.  Ito ang isang manipestasyon ng ating pag-respeto sa paniniwala ng bawat tao.

Balik sa Basic   sad face

     Krisis ngayon, dapat simple lang ang paliga ng laro. Ang uniporme ng team ay ‘di dapat pagkakagastusan ng malaki.  Hangga’t maari ay iwasan ang paligsahan ng best in uniform na siyang magtutulak sa mga kasali para magpabongga at ng ‘di  maging kawawa ang hitsura.

     Kaya ba ang mga batang manlalaro ay bahay-bahay nanghihingi ng solicitation pang uniform? Umaakyat pa nga ba sa pampasaherong sasakyan para humingi ng “kahit barya lang”? Nasaan na ang basic intention ng palaro bilang sports at libangan? Pangbarangay lang ito. Hindi  pabonggahan at panghihingi ng solicitation upang matustusan ang bongga.

 May Bukas Pa Ba Sila?    sad face

     Kung sana’y tutoo si Santino ng “May Bukas Pa” teleserye, maililigtas ni Bro  ang  mga kabataang babaeng ito.

          Sa edad na 12 hanggang 16, ang mga dalagita ay tato-tato, nagdadamit na bilad ang murang katawan at sa lingguwaheng kalye, “rumarampa” na.  Trip umangkas sa sinumang may motorcycle o magpalibreng ride sa Sta. Lucia Mall.   Parang may kulto- Trece (13) Malditas ba o Sta. Lucia Girls? Nakikipaghabulan sa mga Barangay Tanod sa oras ng curfew.  Nagkukuta sa sulukan ng Saperia at kadiliman ng Picones Compound.  At sakit ng ulo sa mga ina ng mga batang lalaki na pino-prospect nila.

     Hindi nag-aaral, karamihan ay dayuhan sa barangay sa lugar ng mga indigents, ang mga teenagers na naireklamo ng bagansiya ay tila pinababayaan ng mga magulang na mistulang nakikinabang pa sa kanilang gawain.

     May magagawa ba ang Pamunuan ng Barangay bukod sa pagkastigo sa mga magulang na may kulang?  Mahihikayat ba sila ng Sangguniang Kabataan na sports na lang ang pagkaabalahan? May panlipunang programa  ba ang DSWD para sa tulad nila?  May ministry work ba ang simbahan para maiwasto ang  kanilang values?

     Santino, pakiapela naman kay Bro.    

Hukayin ang Bayanihan   happy sad face

     Ang pagdating ng Manila Water sa Binangonan ay ibinadya ng kabi-kabilang hukay sa kalye, suson-susong traffic at butas-butas na tubo ng existing water system na natamaan ng diggings. Pipelines for   the  future,  ang   pasintabi  ng  Manila Water. Tiis muna, at nandiyan na ang malinis at walang patid na serbisyo ng tubig.

     Ang pansamantalang perwisyo ay mapagpapasensiyahan pero hindi ang kawalan ng tubig sanhi ng tubong nabutas. Marahil, talagang luma na ang tubo ng existing water system kaya maantig lang ay nasisira. Sa maraming pagkakataon, na tabunan  na  ang  tubong  butas bago magreklamo ang mga kabahayan.

     Dapat may tututok sa mga manggagawa ng Manila Water upang matiyak na naayos ang tubong nadisgrasya nila. At hindi ito responsibilidad lang ng Barangay.  Hukayin natin ang bayanihan ng kabarangay para sa pagbabantay ng kalagayan na sila rin naman  ang maaapektuhan.

May positibo sa negatibo  sad happy face

     Sumikat daw ang Calumpang sa nega (negative) pa. Naipalabas sa television nitong Marso ang paghuli sa cybersex den sa Hi-way kung saan isang pamilya ang nagnenegosyo ng mga babaeng nagbibilad ng katawan sa internet. At kahirapan na naman ang idinadahilan sa paglabag sa batas. Para bang sa ngalan ng kahirapan, ang mali ay palalampasin na, ang bigat ng pagkakasala ay maiibsan na.

     Hindi tubong taga-Calumpang ang nahuli. Nakalusot sa pagbabantay ng mga 24/7 na Tanod, Samahang Kapitbahayan ng Hi-way, sa Crime Watch Force at maging sa Binangonan Police. Pero hindi sa konsensiya ng isang kamag-anak. Ayaw niya na madawit ang iba pang kapamilya kaya ine-expose ang may kamalian.

     Sa harap ng pagmamalasakit na ito, may nakikita tayong positibo. Na laging may tatayo para sa tama, na may magsusumbong upang ang masamang gawain ay mapigilan. Hindi lalago ang cybersex business sa Calumpang. Tiyak silang matitimbog.

May Liwanag ang Buhay   happy sad face

     Hindi ito promo ng Meralco kundi ang dalang benepisyo ng 45 ilaw na naibigay ng Pamunuan ngayong unang quarter ng 2009 sa mga sitio, kanto at sulok-sulok na madilim at delikadong daanan kung gabi. Ang panuntunan ngayon ay samahan  ang  may request at ang mabibigyan ay silang may pagkakaisang panagutan ang kuryente ng ilaw.

     Sa dami ng naipamahaging ilaw nuon pa man, nakapagtataka kung bakit kapos at kapos pa rin ang liwanag. Kung ang ilaw ay madaling napundi, mahina ang klase ng bumbilyang nabili. Kung ang ilaw ay nawala,  mahina  ang  liwanag  ng  isip  ng  mga   taong nag-interes   ng   pansarili   laban  sa   kapakanan  ng marami.             (d2saCalumpang Staff)

3 thoughts on “Wala Lang… (Just Because)

  1. Balik sa Basic
    Krisis ngayon, dapat simple lang ang paliga ng laro. Ang uniporme ng team ay ‘di dapat pagkakagastusan ng malaki. Hangga’t maari ay iwasan ang paligsahan ng best in uniform na siyang magtutulak sa mga kasali para magpabongga at ng ‘di maging kawawa ang hitsura.
    Kaya ba ang mga batang manlalaro ay bahay-bahay nanghihingi ng solicitation pang uniform? Umaakyat pa nga ba sa pampasaherong sasakyan para humingi ng “kahit barya lang”? Nasaan na ang basic intention ng palaro bilang sports at libangan? Pangbarangay lang ito. Hindi pabonggahan at panghihingi ng solicitation upang matustusan ang bongga.

    Noong araw tuwing may liga ng basketball sa Calumpang ay humihingi rin kami ng tulong para sa aming uniporme. Wala naman masamang humingi kung gagamitin sa pag-papagawa ng uniform. Pangalawa, hindi naman kailangan mahal ang suot ng isang team para manalo sa kategoriyang best uniform!

  2. to noel,
    nuong panahon ninyo, (ang tagal na ba nuon?) ang paghihingi ng contribution para sa uniform ay option. ngayon ito’y necessity. mukhang kawawa ang team na de tatak lang ang kamiseta kasi may requirement ang lokal na paliga. di tulad nuon na
    kamiseta lang may tatak ng pangalan ng team at number ng manlalalo ay pwede na. Iba ang orientation nuon. Mas maluho ngayon. Kaya nga dapat ibalik sa basics ang kaisipan ng mga batang manlalaro.

  3. Isang beses isang taon kung mag-liga o tuwing may botohan at minsan wala pa! gawin na ninyong bonga ang paliga! Wala na yata naka-alala kay Campogan. Noong buhay siya pati Fiesta ng Binangonan ay bonga.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s